Sinusuri ng mga organisasyon ng industriya ng Japan ang kanilang mga alituntunin laban sa coronavirus na kadalasang nananawagan sa mga tao na magsuot ng mask sa loob ng bahay.
Hinihimok ng gobyerno ang mga organisasyon na ayusin ang kanilang mga alituntunin, dahil plano nitong payagan ang mga indibidwal na magpasya kung magsusuot ng mask sa loob at labas ng bahay simula sa Marso 13. Kasalukuyang inirerekomenda ng gobyerno ang mga tao na magsuot ng mask sa loob ng bahay, ngunit hindi sa labas.
Apat na organisasyon sa industriya ang nag-anunsyo ng mga binagong alituntunin, yaong para sa gawaing klerikal, pagmamanupaktura, pagsubok sa sertipikasyon ng pribadong sektor at mga arcade.
Hindi na raw nila ipipilit na magsuot ng mask, o gagawa ng ganoong kahilingan sa lahat ng kaso. Ngunit sinabi nila na pananatilihin nila ang iba pang mga hakbang laban sa impeksyon, tulad ng sapat na bentilasyon.
Sinabi ng isang organisasyon ng industriya ng eroplano na ipaubaya na lamang sa mga indibidwal na pasahero at empleyado ang pagpapasya kung magsusuot ng mask sa mga flight.
Ang patakaran ay naaayon sa layunin ng gobyerno na pahintulutan ang mga tao na huwag magsuot ng mask sa transportasyon kung saan ang mga tao ay karaniwang maaaring umupo, tulad ng mga eroplano, shinkansen bullet train at expressway bus.
Isang organisasyon na kumakatawan sa mga pasilidad ng tirahan, mga sinehan, restaurant at iba pang negosyo ang nagpaplanong suriin ang mga alituntunin nito.
Ang ibang mga industriya ay nahihirapang magpasya sa kanilang mga patakaran dahil sa mga alalahanin ng mga customer at ang mga panganib sa impeksyon na natatangi sa kanilang mga lugar ng negosyo.
Sinasabi ng mga operator ng mga karaoke parlor na maingat nilang isasaalang-alang kung at paano babaguhin ang kanilang mga alituntunin. Ang industriya ay madalas na hinihiling na suspindihin ang negosyo nito kapag nagsimulang tumaas ang bilang ng impeksyon.
Ang industriya ng motorboat racing ay nagsabi na ito ay kumukunsulta sa gobyerno sa isang posibleng plano upang patuloy na magrekomenda na ang mga manonood ay magsuot ng mask. Ang mga karera ay kadalasang nag-uudyok ng malakas na palakpakan ng mga tagahanga, na marami sa kanila ay matatanda.
Ang lahat ng mga grupo ng industriya, kabilang ang mga binago na ang kanilang mga alituntunin, ay nagsasabi na ang bawat negosyo at outlet ay gumawa ng kanilang sariling mga patakaran sa pagsusuot ng maskara.
Nalaman ng isang survey na isina-gawa ng NHK noong Pebrero na kalahati ng mga respondent ang nagsabing magpapatuloy sila sa pagsusuot ng mga maskara pagkatapos mapagaan ng gobyerno ang rekomendasyon nito.
Plano ng gobyerno na doblehin ang mga pagsisikap upang maiwasan ang pagkalito habang pinapagaan ang mga patakaran. Irerekomenda pa rin ang mga mask sa ilang pagkakataon, tulad ng kapag nagpapatingin sa doktor, at sa mga masikip na tren o bus.
Ang Doshisha University Professor Nakayachi Kazuya ay nagsasaliksik kung paano nagbago ang pag-iisip ng mga tao sa panahon ng pandemya ng coronavirus.
Sinabi ni Nakayachi na ang mga tao ay madalas na kailangang magpasya para sa kanilang sarili kung gagawa ng mga hakbang laban sa impeksyon, at kung ano ang dapat nilang gawin. Sinabi niya na para sa nakikinita na hinaharap, ang parehong mga taong nag-aalala tungkol sa pagpunta nang walang mask, at ang mga komportableng walang mask, ay maaaring hindi mapalagay kapag sila ay nasa parehong lugar.
Nananawagan siya sa bawat industriya na ipaalam sa mga customer nito ang parehong high-risk at low-risk na sitwasyon.
Source and Image: NHK World Japan
Join the Conversation