
Nakipagkita ang Punong Ministro ng Japan na si Takaichi Sanae kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas. Nagkasundo ang dalawang pinuno na palakasin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, kabilang ang seguridad.
Nagkita sila nang halos 20 minuto sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong Linggo. Ito ang unang pag-uusap ni Takaichi kay Marcos simula nang maupo siya sa pwesto.
Sa simula, binati ni Marcos si Takaichi sa pagiging punong ministro.
Sinabi ni Takaichi na natutuwa siyang makipag-usap kay Marcos pagkatapos niyang maupo sa pwesto. Nagpahayag din siya ng pag-asa na “lalo pang palakasin ang relasyon sa Pilipinas, bilang isang strategic partner, tungo sa pagsasakatuparan ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific.”
Malugod na tinanggap ng mga pinuno ang prinsipyo ng kasunduan ng kanilang mga bansa sa Acquisition and Cross-Servicing Agreement, o ACSA. Pinapayagan ng kasunduan ang Self-Defense Forces ng Japan at ang militar ng Pilipinas na magkaloob sa isa’t isa ng mga suplay, tulad ng pagkain at gasolina.
Sumang-ayon silang patuloy na magtulungan upang palakasin ang tulong sa seguridad, tila dahil sa lumalaking aktibidad sa dagat ng Tsina.
Pinagtibay din nina Takaichi at Marcos na isusulong ng dalawang bansa ang kooperasyon sa ekonomiya, enerhiya at iba pang mga larangan.
Napagkasunduan din ng dalawa na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga diplomatikong pagsisikap, dahil ang Pilipinas ang mamumuno sa Association of Southeast Asian Nations, o ASEAN, sa susunod na taon.
Kalaunan ay sinabi ni Takaichi sa mga reporter na ito ay isang magandang pagkikita. Sinabi niya na sila ni Marcos ay prangkang nag-usap hindi lamang tungkol sa kanilang bilateral na kooperasyong pang-ekonomiya, kundi pati na rin sa kanilang mga pinagsasaluhang bagay tungkol sa seguridad.
















Join the Conversation