Ang pinakabagong gawa ng Japanese animation master na si Miyazaki Hayao, “The Boy and the Heron,” ay tinanghal na pinakamahusay na animated na pelikula sa Golden Globe Awards ngayong taon.
Ang mga nanalo ay inihayag sa isang seremonya sa Beverly Hills, California, noong Linggo. Ang mga parangal ay ibinibigay ng isang grupo ng mga internasyonal na mamamahayag na sumasaklaw sa industriya ng pelikula sa Hollywood.
Ang “The Boy and the Heron” ay ang unang Japanese film na nanalo sa kategorya. Kabilang sa iba pang mga nominado ang “Suzume” ng Japanese director na si Shinkai Makoto.
Si Miyazaki, na wala sa seremonya, ay lumabas mula sa pagreretiro at gumugol ng pitong taon sa paggawa ng pelikula. Isinulat niya ang orihinal na kuwento at senaryo tungkol sa isang batang lalaki na nawalan ng ina noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pumasok sa mundo ng pantasiya.
Ang kompositor na si Hisaishi Joe ay hinirang para sa Best Original Score para sa pelikula, ngunit hindi nanalo.
Ang Golden Globes ay itinuturing na isang precursor sa Academy Awards — ang pinakamalaking kaganapan para sa industriya ng pelikula sa US.
Sa iba pang mga kategorya, nanalo ang “Oppenheimer” ng limang parangal kabilang ang Best Motion Picture – Drama, Best Director at Best Original Score.
Ang pelikula ay isang biopic tungkol sa physicist na si J. Robert Oppenheimer, na nanguna sa pagbuo ng mga atomic bomb na ibinagsak sa Hiroshima at Nagasaki noong Agosto 1945.
Join the Conversation