Namatay ang isang lalaking American na nakasakay sa bisikleta matapos mabangga ang isang pampasaherong sasakyan sa isang expressway sa Yokohama City malapit sa Tokyo.
Sinabi ng pulisya na maaaring siya ay isang siklista na pumunta sa Japan upang makilahok sa mga event sa cycle messenger world championship.
Naganap ang banggaan pasado alas-3 ng umaga noong Lunes malapit sa isang junction sa Yokohane Line ng Metropolitan Expressway na nag-uugnay sa Yokohama at Haneda Airport ng Tokyo.
Sinabi umano ng driver ng pampasaherong sasakyan sa pulisya na hindi siya tumigil sa oras dahil biglang sumulpot ang bisikleta mula sa nagdudugtong na Mitsuzawa Line.
Ang siklista ay pinaniniwalaang nakapasok sa expressway nang hindi sinasadya.
Sinabi ng pulisya na ang kanyang mga personal na gamit ay nagpapakita na maaaring siya ay isang 31 taong gulang na residente ng US na nakikibahagi sa mga kaganapan sa Cycle Messenger World Championships, na ginanap sa Yokohama mula noong nakaraang Miyerkules hanggang Lunes.
Ang mga nagtatrabaho sa mga kumpanya ng courier at naghahatid ng mga item sa pamamagitan ng bisikleta ay lumalahok sa taunang mga kaganapan, kabilang ang mga karera.
Nanawagan ang mga organizer sa mga kalahok na sumakay sa kaliwang bahagi ng mga lansangan at magsuot ng helmet sa Japan.
Join the Conversation