Isang kalye sa loob ng Imperial Palace sa gitnang Tokyo ang binuksan sa publiko para sa panonood ng cherry blossom sa unang pagkakataon sa loob ng apat na taon.
Humigit-kumulang 100 puno ng cherry na may iba’t ibang uri ang naka-hilera sa Inui Street, na umaabot ng halos 600 metro. Ang mga puno ay kasalukuyang namumulaklak.
Maraming tao ang naghintay sa ulan na magbukas ang gate ng palasyo sa alas-9 ng umaga noong Sabado. Ang taunang kaganapan sa tagsibol ay hindi ginanap sa nakalipas na tatlong taon dahil sa pandemya ng coronavirus.
Ang mga bisitang may dalang payong ay namasyal sa kahabaan ng kalye, ang ilan ay kumukuha ng mga larawan ng mga bulaklak gamit ang kanilang mga smartphone.
Isang mag-asawang nasa edad 30 ang nagsabing unang beses silang nandoon, at nasiyahan silang masilip ang mga bihirang makitang gusali, ang mga cherry blossom at iba’t ibang namumulaklak na halaman sa loob ng palasyo.
Ang lugar ay bukas sa publiko sa pagitan ng 9 a.m. at 3:30 p.m. hanggang Abril 2.
Source and Image: NHK World Japan
Join the Conversation