MAYNILA (UPDATE) – Patay ang mag-ina matapos barilin ng isang pulis sa bayan ng Paniqui, Tarlac nitong Linggo ng hapon, ayon sa inisyal na ulat ng pulisya.
Nagkasagutan sa isang viral video ang mga biktimang sina Sonya Gregorio, 52 at Frank Anthony Gregorio, 25, ang suspek na si Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca at anak nito.
Si Nuezca ay naka-destino sa Parañaque City Crime laboratory unit at nakatira sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui.
Sinita umano ng pulis ang mga biktima na kapitbahay nito sa pagpapaputok ng boga, ayon kay Lt. Col. Noriel Rombaoa, hepe ng Paniqui Police.
“Parang nainsulto siguro hanggang nagkasagutan ang anak niya at ang matandang biktima. Siguro nawindang ang isip niya, dun niya pinaputukan ang mga biktima,” aniya.
Dati nang nagkagirian ang magkapitbahay dahil sa usapin ng right of way ngunit naayos na umano ito sa barangay, ani Rombaoa.
Iniulat ng Pangasinan Municipal Police na sumuko ang suspek sa kanila bandang alas-6:19 ng gabi.
Agad inilipat ang suspek sa Paniqui Municipal Police. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Nagpaalala si Rombaoa na dapat pinaiiral ng pulisya ang maximum tolerance.
“Sa mga kasamahan po natin sa pulisya dapat self-control kasi nga maximum tolerance tayo, tayo ang may armas. Kung merong umaagrabiyado sa atin merong right forum po riyan, puwede nating kasuhan, not to the point na gagamitin natin ang baril natin,” aniya.
— May ulat ni Trisha Mostoles
Source: ABS-CBN
Video: YouTube
Join the Conversation