HOKKAIDO – Inaresto ng kapulisan sa bayan ng Suttsu, Hokkaido, ang isang 77 taong gulang na lalaki dahil sa diumano’y pagtatangka nitong sunugin ang bahay at sirain ang ari-arian ng alkalde noong nakaraang linggo.
Ayon sa imbestigador na humahawak ng kaso, inihagis ni Toshio Higashida ang isang nasusunog na bagay sa may bintana sa unang palapag ng bahay ni Mayor Haruo Kataoka dakong 1:20 ng madaling araw nuong Oktubre 8, ayon sa pahayag ng lokal na media.
Nasunog ng bahagi ng bintana ngunit mabilis na naagapan at napuksa ang apoy ni Kataoka bago pa man ito kumalat. Ang mga bubog ng bote ay nagkalat sa buong silid kung saan inihagis ang bote na pinaniniwalaang may krudo at mga sangkap para sa Molotov.
Ang Suttsu ay may populasyon na 2,900. Ito ay isa sa dalawang bayan sa hilagang baybayin ng Hokkaido na nag-apply para sa paunang pagsasaliksik sa kanilang lupain upang masukat ang pagiging angkop nito sa pagho-host ng isang underground disposal site para sa mataas na klase ng radioactive nuclear waste kapalit ng halagang hindi bababa sa 2 bilyong yen subsidies. Iniulat ng Kyodo News.
Ayon sa mga pulis , inamin ni Higashida ang akusasyon at sinabi nitong protesta ito laban sa desisyon ng alkalde patungkol sa isyu ng pagtatambak ng mga radioactive waste sa nasabing bayan.
Source: Japan Today
Image: Gallery
Join the Conversation