Ayon sa ulat ng Yomiuri Shimbun, nalaman na ng Hyogo Prefectural Police nuong Lunes ang pagka-kilanlan ng nakitang bangkay ng isang babae sa DAM sa Kakogawa City nuong nakaraang linggo.
Mula sa resulta ng isinagawang DNA analysis, ang bangkay na natagpuan ng isang mangingisda sa Gongen Dam nuong umaga ng August 11 ay si Yuka Konishi, 20 anyos at residente ng Yodogawa Ward, Osaka.
Ayon sa Kakogawa Police Station, naka-suot ng puting shirt at pantalon ang biktima. Ang plastic container na pinag-lagyan sa biktima ay nakitang palutang-lutang ilang metro ang layo sa pampang. Ito ay naka-tali ng lubid at mayroong 2 bag ng buhangin. Naka-labas sa plastic container ang mga binti ng biktima nuong ito ay nadiskubre.
Hindi nalaman ang sanhi ng pagka-matay ng biktima mula sa awtopsiya na isinagawa ng mga kina-uukulan. Ngunit, may mga nakitang marka sa bandang leeg nito na nag-sasabing ito ay sinakal. Pina-niniwalaan na ang biktima ay binawian ng buhay isang araw bago ito natagpuan.
Naging ebidensya rin ang ilang mga personal na kagamitang nakita ng mga kapulisan sa crime scene upang masuportahan ang pagkaka-kilalan ng biktima na si Yuka Konishi.
Ang biktima ay naninirahang mag-isa. Sinusuri na ng mga pulis ang ilang surveillance camera upang maka-lakap pa ng ibang mga clue na maaaring maka-tulong sa imbestigasyon. Ang kaso ay itinuturing na isang “abandoning a corpse”.
Source: Tokyo Reporter
Image: Twitter
Join the Conversation